Dapat Nga Bang Gamiting Dahilan ang Kahirapan?

Dapat Nga Bang Gamiting Dahilan ang Kahirapan?

On the Importance of Being Legally Righteous

Maraming Filipino ngayon ang nagagalit sa gobyerno ng Indonesia dahil sa pagpapataw nito ng parusang kamatayan sa isang Filipina na nahuling may bitbit na droga papasok ng Indonesia. Pilit ng marami e walang kaalam-alam yung Filipina na may droga pala siyang nabitbit. Marami rin namang nagsasabi na alam niya iyon at nagbakasakali na makalusot. Anuman ang totoo rito e responsibilidad pa rin ng isang tao na malaman niya kung anu-ano ang laman ng kanyang bagahe kapag siya ay bumibiyahe, lalo na kung papunta sa ibang bansa. Palibhasa kasi e nasanay na ang maraming Filipino sa pagturing sa batas sa Pilipinas–nababali, nalulusutan, nababaligtad, pabagu-bago.

Ika raw ng Filipina na napatawan ng parusang kamatayan e wag na raw umalis ang kanyang mga kababayan papuntang ibang bansa para hindi magaya sa kanya. Hindi rin naman magandang panawagan yan. Wag niya namang itulad sa kanya ang lahat ng tao.

Puwede namang umalis ng bansa e. Basta siguraduhin lang na wala kang dalang ipinagbabawal na bagay o basta alam mo na kakayanin mong sundin ang batas ng bansang patutunguhan mo at higit sa lahat, ligal ang papeles mo.

Hindi rin naman dapat gawing dahilan ang kahirapan ng buhay para kumapit sa patalim at gumawa ng iligal na bagay.

Maraming mga pulitiko at mayayaman ang gumagawa ng iligal at kapag nahuli e ginagamit ang awa ng masa o nagpapanggap na maysakit para lang malusutan ang ginawang hindi tama. Mayroon namang mga nahihirapan sa buhay na ginagawang dahilan ang kahirapan para pumasok sa mga iligal na gawain.

Hindi tamang gawing palusot ang kahirapan. Lalong hindi rin dapat gawing pangtakas ang kayamanan. Pag may nagawang labag sa batas ay nararapat na handang harapin ang karampatang parusa. Pag nalusutan mo–e di swerte mo. Pag nahuli ka at naparusahan–e iyan ang kaparusahang katapat ng iligal na iyong pinasok.

Napakaraming Filipino pa rin–mahirap man o mayaman–ang responsable at sumusunod sa batas at maayos na naghahanapbuhay at naitataguyod ang kani-kanilang pamilya–sila ang dapat tapikin sa balikat. Sila ang dapat gayahin. Ang kanilang mga panawagan ang dapat pakinggan at paniwalaan. Ang kanilang mga pagsisikap sa buhay sa maayos na paraan ang dapat hangaan at pagkuhaan ng inspirasyon.

Sa Madaling Salita

Ang pagiging responsable at matuwid ay kayang gawin ng kahit sinuman, mayaman man o mahirap. Hindi dapat gawing dahilan ang kahirapan para gumawa ng iligal. Hindi rin dapat gawing lakas ang kayamanan para malusutan ang gawaing hindi tama. Mayaman man o mahirap ang isang tao, dapat ang misyon niya sa buhay ay ang makapamuhay nang maayos at tama.