Ano Nga Ba ang mga Bagay o Gawain na Dapat Ikahiya?

Ano Nga Ba ang mga Bagay o Gawain na Dapat Ikahiya?

On the Hypocrisy behind Guilty Pleasures and on What Activities One Should Be Really Guilty Of

May mga tao na merong mga kinagigiliwang bagay o gawain subalit ayaw nila itong ipaalam sa iba. Dalawa lamang ang karaniwang dahilan—nahihiya sila sa sasabihin ng iba o ang ginagawa nila ay hindi maganda o labag sa batas. Kung ang bagay na iyong kinagigiliwan ay hindi naman labag sa batas, e hindi ka dapat mahiya. E ano ngayon kung malaman ’yan ng iba? Hindi ka dapat nagpapaapekto sa sinasabi o iniisip ng ibang tao. Meron lang kasi talagang mga tao na porke ang hilig o napiling daan sa buhay ng kapwa nila ay di tulad ng kanila, e pinupuna na nila ito. Ang mga ganyang tao e makasarili at may makitid na pananaw. Ang paniniwala nila e sila lang ang palaging tama. Iniisip nila na kapag di nila kagaya e mali na agad. Malamang e marami ka nang nakasalamuhang ganyang klase ng tao. E kung sakaling isa ka sa kanila e panahon na para suriin mong muli ang iyong pagkatao.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa halimbawa ng mga bagay na iyong kinagigiliwan na hindi mo dapat ikahiya dahil walang masama r’yan:

1)Pakikinig sa sikat na musika. May mga tao na mahilig manlait ng uri ng musika na hindi nila gusto. Walang masama kung hindi mo magustuhan ang isang uri ng musika, subalit hindi mo naman kinakailangang pagtawanan ang ibang tao na may gusto nito. Nagkataon lang na magkaiba kayo ng hilig. Kung ikaw naman ang may hilig sa musika na naging komersyal na, e di mo ito dapat ikahiya. Wag mong isipin o alalahanin ang sasabihing masama ng ibang tao. Makitid lang ang pananaw ng mga ito.

2)Pagbabasa o panonood ng love stories. May mga tao na mahilig magbasa ng romantic pocketbooks o komiks o manood ng mga pelikula na tungkol sa pag-ibig. Walang masama r’yan. Bakit ka mahihiya? Hilig mo yan e. Yung mga nanlalait sa mga mahilig sa love stories e mga makikitid lang ang utak ng mga ’yan.

3)Pag-iyak kapag nalulungkot o dahil sa sobrang kaligayahan. Ang pag-iyak dahil sa nararamdamang kalungkutan o ibayong kasiyahan ay natural at normal na emosyon. Walang nakakahiya o nakagugulat d’yan. Yung kasabihang bata o babae lamang ang dapat na umiyak o magpakita ng pagtulo ng luha e isa ’yang malaking kabalbalan. Walang masama sa pag-iyak. Bagkus pa nga, ayon sa Psychology, ang pag-iyak—basta hindi naman sobrang tagal—ay therapeutic o mabuti sa kalusugang emosyonal. Nailalabas ng isang tao ang matinding damdamin. Kaya kung ikaw ay malungkot, may dinaramdam, o sobrang nasisiyahan, okey lang na umiyak. Wag mong ikahiya yan. Mabuti na nailalabas mo ang iyong nararamdaman. Yung mga taong nagtatawa o lumalait sa mga umiiyak—e malamang ipokrito ang mga ’yan. Imposible na hindi sila umiiyak kapag masyadong nalulungkot o naliligayahan. Kung hindi pa sila umiiyak sa tanang buhay nila, e malamang hindi normal ang kanilang emosyonal na kalusugan.

4)Ang pagkain ay kanya-kanyang preference. Kung gusto mong kumain ng karne e walang masama r’yan. Ang importante lang e balanse ang iyong kinakain para na rin sa iyong kalusugan. Kung pinili mo namang maging vegetarian o vegan, e wala ring masama r’yan. Siguraduhin mo lang na kaya mo iyang panindigan. At kung vegetarian o vegan ka, wag mo naming laitin ang mga taong kumakain ng karne dahil karapatan nilang mamili ng kanilang kakainin. Subalit meron ding mga tao na ipinagmamalaking vegetarian o vegan sila, pero yun pala, kapag nasa kusina na ng kani-kanilang bahay e kumakain rin pala ng karne. Ipokrito ang mga taong ganyan.

Ang mga sumusunod ay halimbawa naman ng mga bagay o gawain na karapat-dapat lang ikahiya kung hindi mo lang din lang ititigil.

1)Kung mahilig kang manguha o mangupit ng mga gamit na hindi mo pag-aari e malamang maysakit kang kleptomania. Kailangan mong magpatingin sa doctor para malunasan ang kondisyon mong iyan. Kung sadya lang talagang mahilig kang magnakaw, e masama yan. Labag iyan sa batas. Sa sandaling mahuli ka e siguradong sa korte o kulungan ang punta mo.

2) Yung mga taong mahilig magkalat ng tsismis tungkol sa kapwa nila e iyan ang nakakahiya. Ang mga taong ganyan e malakas lang ang inggit sa kanilang kapwa kaya nila iyan nagagawa. Gusto nilang masira ang reputasyon ng kapwa nila kasi naiinggit sila sa tagumpay na nakakamtan nila.

3) Sa panahon ngayon, alam na ng nakararami na ang bawat tao ay may kanya-kanyang sekswalidad, paniniwala o pananampalataya, istilo ng pananamit, paraan ng pamumuhay. Kailangan nating irespeto ang lahat ng iyan. Ang dapat lang nating gamiting basihan e kung nakasasakit ba nang pisikal ang mga napiling pamumuhay na iyan. Kung walang psikal na pananakit na nangyayari, e dapat lang na hayaan natin ang napiling pamumuhay ng bawat tao. Hindi natin sila dapat kutyain, pagtawanan, o sabihing mali ang kanilang ginagawa. Basta walang batas na nilalabag, e karapatan ng isang tao na mamuhay sa paraang kanyang nais.

Sa Madaling Salita

Hindi natin dapat ikahiya ang mga bagay o gawain na ating kinagigiliwan basta walang nagreresulta ritong pisikal na pananakit sa kapwa. Anuman ang napiling sekswalidad, pagkain, paraan ng pananamit, paniniwala o pananampalataya, mga hilig, trabaho, o paraan ng pamumuhay—e karapatan iyan ng isang indibidwal. Walang kahiya-hiya riyan. Hindi dapat pagtawanan o laitin ang mga ’yan. Ang mahalaga lamang e walang nasasaktan na pisikal sa napiling pamamaraan ng pamumuhay ng isang tao.