Parol ng Pag ibig

Parol ng Pag ibig

Sa panulat ni Aida Champagne

Simoy ng hangin ay lumalamig na
Tila nagbabadyang winter ay palapit baga.
Sa bayang sinilangan ,lahat ay abala
Pagkat ito ang patalandaang Pasko’y sasapit na.

Dito sa Canada kahit malayo sa Pilipinas
Paghahanda sa Kapasakuhan ating ginaganap
Palamuti sa paligid ,lalo’t mga Christmas light
Agad ikinakabit sapagkat kumuti kutitap.

Iba’t ibang samahan maagang nagpaplano
Ng magarbong pagdiriwang para sa nalalapit na Pasko
Party dito ,party doon minsan nakaka aburido
Di mo na malaman kung saan ka dadalo.

Isang Pilipinong samahan ang nag pa contest pa,
Ng pag gawa ng Parol , una dito sa Manitoba.
Isang kulturang nais nilang ipa dama
Lalo’t sa mga Pinoy sa Canada’y matagal na.

Mga sumali sa pa contest , maagang nagpa lista
Excited sa paghahanda, kanya kanyang gamit ay dala
Alas onse ng umaga ,mga kalahok sumabak na
Isa na doon si Aura Guevarra’t kanyang ama.

Simpleng Parol na yari sa patpat ng kawayan
Unti –unti ay inumpisahan nilang hubugin at gayakan.
Mga nanonod at hurado , halos di magkamayaw,
Di mapili ang kung sino sa kalahok ang mangingibabaw.

Kanya kanyang estilo ng pag gagayak
Meron diyang pati tulya ng tahong ang hatak.
May mga kabataan ding naingganyong sumabak,
Kaya pati mga magulang tumulong ng galak.

Nguni’t kaka iba parol na ginawa ng mag ama,
Iginuhit sa kamay ang sagradang pamilya.
Ginamit na pangkulay cutex na magaganda
Ng matapos ay nagsilbing kanyang obra maestra.

Christmas light na marikit , kanyang ipinalibot,
Sa bughaw na parol nagpatigkad ng alindog.
Tuwa’t saya sa kanyang mukha’y inyong matatalos
Isang magandang parol , na handog nyang lubos

Pangalawang puwesto sa timpalak , parol na ito’y nagkamit
Dalawandaang dollar na premyo ang katumbas at kapalit
Nguni’t di ito ang nagpasaya ,sa kanyang puso at dibdib
Kundi ang ligayang handog na ang ama’y ka unyabit.

Lingid sa lahat si Aura’y may karamdaman,
Cancer na mapait ,maaring kumikitil nyaring buhay
Sa pag gawa Parol lungkot ng puso ay naibsan
Mayroon ng munting talang sisinag sa hamon ng buhay.

Parol ng pag ibig handog ni Aura Guevarra sa Pasko
Bilang pag gunita sa pag silang ni HesuKristo
Parol na talang gumabay sa tatlong haring mago
Dasal na talang parol ding maging ilaw niya sa mundo.

Minsan sa buhay ng tao, nawawalan tayo ng pag-asa dahil sa ating mga karamdaman at problema . Matuto tayong lumaban sa hamon ng buhay at huwag tayong mawawalan ng pag asa ,laging magtitiwala sa poong Maykapal, sapagka’t ang Diyos ang tunay na may akda ng ating buhay.