Gintong Dahong Dalá ng Ihip ng Hangin

At nadurog na at inihip ng hangin
Mga tuyong dahong sa ’ki’y umalipin

Di na dapat pang pag-ukulan ng pansin
Sa wakas! Wala na ang mga pasánin

Sabagay, sanay na ang aking damdamin
’Tagal nang kilalá ang nasa salamin

Sa muling pag-kislap ng mga bituin
Bagong liwanag ang bumalot sa akin

Sa kanlungan ng pag-ibig ako’y dalhin
Kung saan matutupad ang mga mithiin

Agosto, nang tayo’y muling pagtagpuin
Dal’wampu’t pitong taon — simula natin

’Sang marikit na dahong dalá ng hangin
Nagpalinaw muli ng aking paningin

’Kaw ang dahong dalá ng ihip ng hangin
Nagpatingkad sa matamlay na tanawin