‘Pasko na naman, kay tulin ng araw’

Mabilis ang panahon. ‘Time flies so swiftly’, ika nga sa inglis. Pasko na naman. At parating na ang susunod na taong 2019. Hindi mo namamalayan lumipas ang mga taon. Sasabihin mo sa sarili mo, parang kailan lang. Kaya siguro hindi napapansin ng tao ang kaniyang pagka-tanda, ay dahil sa nakikita niya araw araw ang hitsura niya sa salamin.

Itong modernong panahon, itong internet age na kung saan mayroon ng celfone, may twitter, facebook, etc..napakadaling bumiyahe pabalik ng nakaraan. Apo kong si Choby, nag-download ng aking mga matatandang larawan na iba pa nga ay sepia, ibig sabihin ay hindi de kulay o colored, kung hindi kulay tsokalate, at nandoon ngayon sa aking facebook account.

Bawat tao ay may sariling kasaysayan. ‘Every man has his own story to tell.’ At ang aking kasaysayan ay ikukwento ng mga larawan sa facebook. At kung sino man sa atin na may facebook account, nandoon ang kwento ng kaniyang buhay.

Matutuwa ka o malulungkot ka pag tinitignan mo ang iyong mga kuhang larawan ng nagdaang panahon. Nandoon ang hitsura mo noong ikaw ay malikot na sanggol na siguro kuha pa ng letratista may talukbong sa ulo at pumuputok pa ang yaong flash bulb.

Mapapangiti ka pag minamasdan mo ang larawan ng ikaw ay teenager at kasama ang mga kalaro at nagtatampisaw sa ilog dahil iyon ay Linggo at may piknikan.

Malulungkot,baka mamalisbis ang luha mo sa magkabilang pisngi, dahil sa isang family reunion nagkaroon ng group picture na nandoon ang iyong magulang at mga kapatid. At iyong magulang ay nasa langit na, at dalawa sa mahal mong kapatid ay pumanaw na kung kailan lamang at kailanman hindi na ganoon kaligaya ang mga family reunion.

Larawang magbibigay ng saya at lungkot. Pero talagang ganoon ang buhay. Laging hati. Yin and Yang, ika ng mga intsik. Kung may araw, may gabi. Kung may kabiguan may tagumpay. Hindi pwedeng puro gabi at walang araw, hindi pwedeng laging panalo at hindi rin pwedeng palagi na lang bigo. Ang mahalaga harapin ang buhay ng puspos na pananalig sa Diyos at sa sarili.

Sabi ng mga aetas sa bayan ng Porac, ‘ ing bulung,ustung menabu ya king gabun ala neng upayang magbalik pa’. Ang dahon daw ng isang halaman pag nahulog sa lupa ay wala ng pagkakataon pang mabalik sa puno.

Noong ang tao ay isilang, isang direksyon lang ang kaniyang patutunguhan. Ito ang pakikipag-tipan niya sa kaniyang lumikha. Ito ang wakas ng kaniyang paglalakbay sa daigdig na ito.

Hindi man sukat katakutan ang wakas ng kaniyang buhay. ‘The greatest gift God has given to mankind is death.’ Kamatayan ang pinamahalagang regalo ng Panginoong Diyos sa atin.

Ang malagim na katotohanan hindi na natin maibalik ang kamay ng orasan ng buhay, at pwede lang balikan sa pamamagitan sa pagtingin sa mga lumang larawan. Mga larawang sumasalamin sa naging takbo ng buhay mo. Sana walang pagsisisi. Mga sukat na ginawa ay ginawa. Naging mapagkapuwa tao. Being nice, kind, gentle, forgiving, generous and humble.

Editor’s Note: Formerly newspaperman of Daily Inquirer and other major dailies; former TV and radio Broadcaster. Former Director of various corporations like Clark Development Co.; and a former City of Angeles Councillor. Now a regular columnist of Sun Star Pampanga.