by: Pastor Junie Josue
Paano ba ang maging bayani sa mata ng Diyos? Ito ang sabi ni apostol Pablo sa mga kapwa niya Kristyano na mababasa sa biblia sa aklat ng Pilipos 2:3 “Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong maging tanyag bagkus magpakababa kayo at huwag ninyong ipalagay na kayo’y mabuti kaysa sa ibang tao. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus.”
Kapag gumawa tayo ng mabuting bagay, hindi kailangan na maraming nakakaalam nito para marami din ang humanga sa atin. Hindi ba nakakatawa at nakakainis ang mga ibang taong nasa politiko sa ating sariling bayan na sinisiguradong ang kanilang litrato ay nasa dyaryo at may mga reporter sa paligid para maulat ang kanilang mga ginawang mabuti o ang kanilang tulong na binigay o ang kanilang mga dinonate na pera o gamit?
Minsan iniisip natin na kailangan tayong gumawa ng mga dakila at napakalaking bagay parang maging bayani. Tumingin lang tayo sa ating paligid at siguradong makikita natin ang napakaraming pangangailangan. Napakaraming taong nangangailangan ng tulong. Sa pahayagan at mga report sa TV, makikita natin ang mga taong nagugutom, mga taong walang pambili ng damit o gamot, mga taong ulila, mga taong nag-iisa at naghihintay ng pagkalinga ng ibang tao o kahit man lang may makausap sila.
Marami sa ating mga kababayan ang namamasukan bilang caregiver, nannny o tagapag-alaga ng mga matatanda at maysakit. Marami sa atin ang nagtatrabaho sa ospital o senior’s home. Alam niyo bang sa lugar na inyong pagtatrabahuhan ay maari kayong maging bayani sa mata ng Diyos at ng mga taong inyong inaalagaan?
Totoong sinuwelduhan kayo pero hindi mababayaran ng anumang halaga ang taos- pusong pagmamalasakit at pag-ibig ninyo sa mga taong inalagaan ninyo. May kakilalang kaming babae na nagtrabaho bilang caregiver. Nag-alaga siya ng isang matandang babae. Pagkalipas ng ilang taon, namatay na ang matandang babae ngunit ang lalaking asawa nito ay humiling sa kilala namin na patuloy itong magsilbi sa kaniya dahil nakita niya ang mabuting paglilingkod nito. Dahil nag-iisa na lamang palagi ang matanda, palagi itong pumupunta sa bahay ng aming kakilala. At kahit tapos na ang paglilingkod ng aming kakilala sa matandang ito, patuloy na naging bahagi ng kanilang pamilya ang matandang lalaki. Sinasama nila ang matanda saan man sila magbakasyon. Pinaghahanda nila siya kapag siya’y nagbe -birthday.
Noong dumalaw kami minsan sa bahay ng matandang lalaking ito, andoon ang litrato ng aming kakilala kasama ng kaniyang pamilya. Nakahanay ang litrato nila sa mga litrato ng mga tunay na pamilya ng matandang lalaki. At ilang araw bago pumanaw ang matandang ito, pinatawag niya ang kaniyang anak para ipaalam ang kaniyang kalagayan. Hindi niya malilimutan ang kabutihang pinakita sa kaniya ng isang taong nagdesisyong magmalasakit sa kapwa niya nang walang kapalit.
Bayani ring maituturing ang ating mga kababayang walang sawang nagsisikap para may ipadala at ipantulong sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Kahit na nandito na sila sa Canada at mas komportable di hamak ang buhay, hindi sila nakakalimot sa kanilang pinanggalingan, hindi sila nag-aatubiling bahaginan ang mga naiwan nila.
Kaibigan, ang puso ng isang bayani ay palaging handang tumulong at magpakasakit may kapalit man ito o wala.