Inatasan kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang 17 Regional Office na kanselahin at suspendihin ang Certificate of Registration sa ilalim ng Department Order 18-A ng mga contractors at subcontractors na nagpapatupad ng iligal na kasunduan sa contracting at subcontracting, kasama na ang ‘endo’.
“Lahat ng Regional Offices ay inaatasan na kanselahin at suspendihin ang Certificates of Registration ng mga establisyamento na lumalabag sa batas ng seguridad ng trabaho. Ito ay alinsunod sa pagpupunyagi ng Kagawaran na alisin ang iligal na sistema sa kontraktuwalisasyon,” ani Bello.
Kanyang idinagdag na dapat inspeksiyunin ng DOLE Regional Offices ang mga contractors at subcontractors sa kani-kanilang rehiyon upang alamin kung aling establisyamento ang nagpapatupad ng labor-only contracting.
“Matapos magsagawa ang Regional Office ng nararapat na pagsusuri, at may makita silang establisyamento sa kanilang lugar na nagpapatupad ng ‘endo’ o iba pang uri ng iligal na kontratuwalisasyon, inaatasan ko silang suspendihin o kanselahin ang Certificate of Registration ng mga nasabing establisyamento,” ani Bello.
Naatasan din ang 17 Regional Offices na magsumite ng listahan ng mga nasuspinde o nakanselang Certificate of Registration ng mga contractors at subcontractors.
Samantala, sinabi ni Bello na nagpadala na ng liham ang Kagawaran sa mga malalaking establisyamento sa mga pangunahing industriya na sundin ang batas sa seguridad sa trabaho.
“Nagpadala na kami ng liham na nagpapaalala sa mga malalaking kompanya at korporasyon na sumunod sila sa batas, kung hindi kakanselahin din namin ang kanilang Certificate of Registration,” ani Bello.
Kanyang idinagdagdag na binigyan ng 15 araw ang mga nasabing kompanya upang boluntaryong sumunod sa mga batas paggawa, kasama na ang pagre-regular ng kanilang mga kontraktuwal na manggagawa upang makaiwas sa pagsuspinde o pagkansela ng kanilang Certificate of Registration.