Filipino Folklorama,Here We Go Again

Filipino Folklorama,Here We Go Again

Excited na naman si Lolang dumalo ng Folklorama. Sabi niya e samahan raw namin siya sa Filipino pavilions. Sabi ko e oo ba, lalo na at bakasyon naman sa eskwela. Sabat naman ni Tito George, na kasalukuyang nandito sa Winnipeg at nagbabakasyon, “Makasama nga sa inyo, pero teka, may bago naman kaya? Paano, sa ilang taóng ipinunta ko sa Folklorama ng Filipino e halos pare-parehong pagmumukha at programa ang napapanood ko. Bakit wala na bang ibang mag-volunteer para magpalabas naman ng bago? Tapos palaging makaluma na lang ang ipinapakita—panay tinikling at tradisyonal na sayaw, at kung meron mang kantahan e parating karaoke at gaya-gaya lang naman ng kanta at istilo ng kung sino’ng sikat na mang-aawit ang nasa uso ngayon. Bakit, wala bang Filipino artist na taga-Winnipeg na kayang mag-compose ng sariling musika at awitin? Pagkakaalam ko e marami naman ditong mga banda at indibiduwal na kompositor na nagsusulat ng sariling kanta. O baka naman ayaw lang silang bigyan ng pagkakataon ng mga namamahala? At baka naman mino-monopolize lang ng piling grupo ang pagpapatakbo ng Filipino Folklorama? Aba, panahon na para paabantehin ang kultura ng Filipino sa Winnipeg! H’wag sanang kalimutan na ang kultura ay binubuo hindi lamang ng makaluma at tradisyonal kundi pati rin ng makabago at kontemporaryo. Hindi siguro alam ng mga nakatatandang namamahala sa Folklorama na napakarami na ng populasyon ng kabataang Filipino rito, kaya panahon na para bigyang-pansin ang kanilang mga interes. Yan ang karaniwang hirap sa mga nasa posisyon—para ding sa gobyerno—masyado silang makasarili; ang iniisip lang nila ay ang kanilang kasiyahan at kapakanan. Para silang mga kabayong pangarera na may piring ang mga mata—nakatutok lang ang paningin sa isang direksyon—hindi tuloy nila makita ang ibang anggulo.

“Pustahan tayo, yung mga panindang pagkain e ’yun na naman. Sabi tuloy nung ilang katrabaho kong ibang lahi, ‘Iyan lang ba ang pagkaing Filipino?’ Tanong naman nu’ng isa, ‘Bakit palaging karaoke singer ang kumakanta at pagkatapos e ang kakantahin e mga sikat na awitin ng gaya nina Céline Dion at Whitney Houston—wala ba kayong maipagmamalaking mga Filipinong lokal sa Manitoba na may angking talento sa paglikha ng orihinal na musika?”

“Tito George naman,” sabi ko sa kanya, “wag ka naman agad magbitiw ng mga ganyang paratang. Manood muna tayo ng Folklorama at baka naman may mga bagong ideyang naisip at ipalalabas ang komite ng Filipino community.”

“Sabagay, maganda nga yang positive thinking mo,” ani Tito George, “pero ipupusta ko ang plane ticket kong pabalik ng Toronto—panay pang-matatanda na naman ang mga ipalalabas sa Folklorama! Pustahan, kung sino ang nagpalabas noong isang taon e sila na naman ang makikita natin. Kung ano ang ipinalabas nila noon e ganoon uli ngayon. Kung may kakanta man e siguradong ang kakantahin e kanta ng iba.”

“Haynaku, Tito George, maghunos-dili ka! Samahan na lang natin si Lola.”

“Ah, basta, mag-usap uli tayo pagkatapos nating manood ng Folklorama at malalaman natin kung tama ba ako o matutupad ang inaasahan mong may pag-asa pang makakita ng bago sa Filipino pavilions.”