by: Pastor Junie Josue
Hindi isang reyna o beauty queen ang pinili ng Diyos para maging ina ni Hesus. Pinili niya ang isang simpleng teen-ager na si Maria. Si Jose na siyang tumayong ama ni Hesus sa lupa ay wala ring mapagmamalaking mataas na posisyon o kayamanan. Isa lamang siyang pangkaraniwang karpentero. Ang mga tumayong magulang ni Hesus ay mga mahihirap na tao na nanirahan sa Galilee, isang lugar kung saan mababa ang mga tingin ng maraming tao.
At kung pag-aaralan natin ang lahi kung saan nanggaling si Hesus, mababasa natin ito sa biblia sa kauna-unahang bahagi ng aklat ng Mateo. Kapansin-pansin na kasama sa kaniyang ninuno ang apat na babae. Isa dito si Tamar na nagkaroon ng relasyon sa kaniyang biyenan. Ang pangalawa’y si Rahab na dating nagbebenta ng panandaliang kasiyahan sa mga lalaki. Ang ikatlo’y si Bathsheba na sumiping kay David kahit na siya ay may asawa na. At ang pang-apat ay si Ruth na isang taga Moab, isang bayan na tinuturing na kaaway ng mga Israelita.
Ang Jerusalem ay tinuturing na sentro ng relihiyon at kabihasnan ng mga Israelita. Sa katunayan doon itinayo ang napakaengrandeg templo ni Haring Solomon.
Nadoon din ang royal palace. Pero hindi doon pinanganak si Hesus kundi sa hindi kilalang lugar, sa isang maliit na nayon na ang pangalan ay Bethlehem. At dahil wala nang lugar para kay Maria at Jose na dumalaw lamang doon para magparehistro, wala silang ibang masilungan kundi sa isang kuwadra, isang kulungan ng kabayo.
Hindi sa ospital o clinic man lang pinanganak si Hesus kundi sa isang kuwadra. At walang kuna o kama para sa kanya. Isang sabsaban lamang. Ang sabsaban ito ay karaniwang ginagamit para pakainin ang mga hayop. At hindi mamahaling damit na may tatak tulad ng Gap o Osk Kosh ang sinuot sa sanggol na si Hesus nnong siya’y pinanganak. Simpleng tela lamang ang binalot sa kaniya para hindi siya ginawin.
Maraming mga bigating tao noon sa Israel noong pinanganak si Hesus.
May mga matatalinong tao, mg makapangyarihan pinuno at kilalang mamamayan ang andoon sa Israel pero hindi pinili ng Diyos ang mga ito. Nagpunta ang mga anghel sa mga mahihirap at simpleng tao, sa mga pastol na kasalukuyang nagbabantay ng mga tupa, para ipamalita ang kapangakan ng anak ng Diyos sa lupa.
Kataka-takang pinili ng Diyos ang mga tao o bagay na may bahid, na mga walang magandang reputasyon, mga walang ipagmamalaki para magbigay daan sa kapanganak ng kaniyang anak na si Hesus. Bakit niya ginawa ito? Sa palagay ko’y para sabihin niya sa atin na hindi siya interesado kung ano tayo sa paningin ng mundo, kung ano ang trabaho natin at kung ano ang kalagayan natin sa buhay. Mas interesado siya sa puso natin. Anuman ang ating kalagayan sa buhay, kung may puso tayong handang gawin anuman ang nais ng Diyos, kaya niyang gawing dakila ang ating buhay. Kaya’t bakit hindi natin buksan ang atin puso para sa Diyos ngayong Pasko?










