Ang kapatid kong si Myrna ay nasa New York. Si Vennie ay nasa London. Ang yumao kong kuyang Ben ay natirang matagal sa Los Angeles. May paskong nagdaan na silang tatlo ay umuuwi ng Pilipinas at walang paglalagyan ang sobrang kaligayahan namin kapag kami ay magka-harap harap kainan.
Mga ilang kaibigan na balikbayan ang nagsi-uwi para ipagdiwang ang celebrasyon ng pasko at bagong taon dito sa atin.( Kaibigang Rod, kailan ka uwi? Pasyal ka sa Angeles, will treatyou to dinner). Mababakas mo sa kanilang mukha ang kaligayahan pag natuntong na sa sariling lupang tinubuan. Makakadaupang palad muli ang mga kaibigan at makakasalo na naman ang pamilya.
Sa ganang akin, malungkot sa ibang bansa, lalo na kung malayo ka sa mga mahal mo sa buhay. Lalo na pag ganitong magpapasko. Sa mga iba na hindi pa nakapang-ibang bayan, may pagka-inggit silang nararamdaman kapag nakita ang mga larawan ng mga kaibigan na ang background ay maputing niyebe. White Christmas, di ba? Maganda lang sa larawan, sabi ni Myrna.
Ilang balik ko na sa Estados Unidos. Nakapaglibot na ng maraming beses sa buong daigdig. Halos nabisita ko na ang maraming bansa sa Asia. At sa aking paglilibot, mga kapuwa Pilipino ang nakahuntahan. Sa umpisa ay masaya, at bandang huli ay kwento ng pagtitiis, kalungkutan at pagnanais na makabalik sa Pilipinas.
Minsan kasama ko ang dating Alkalde Romy Pecson ng Magalang, ang mga negosyanteng Manny Alfonso, na nagmamay-ari ng Ribeye Steak House, Ray Dizon, isang malaking tindero sa palengke ng Pampang sa Lungsod Angeles at si Troy Recabar, may-ari ng mga ilang bahay sanglaan sa Angeles. Nasa Copenhagen, Denmark kami at dumalo sa isang convention ng ma Rotarians.
Patungo kami ng Hamburg, Germany at nagkakape sa isang coffee shop sa istasyon ng tren ng mapadaan ang isang Pilipino. Sinita kami. ‘Kabayan’, bati niya na naniniguro nga na kami’y mga Pilipino.
Pinaupo namin, at ilan pang mga minuto bawat Pilipino dumadaan ay naki-upo na rin at naging masaya ang mga balitaan. Bawa’t isa ay kaniya kaniyang kwento, pero noong bandang huli mga narinig namin ay mga kwento ng paghihirap ng katawan, pamamanglaw at kasabikang mabalik muli sa bansang sinilangan.
Pabiro ko sinabi sa kanila: ‘ Sa atin sa Pilipinas, ang lalaki ay isa ang trabaho pero magka-minsan tatlo ang asawa. Sa Amerika o sa Europa ang lalaki tatlo ang trabaho pero isa lang ang asawa. Nagkatawanan. Kahit biro ang binitiwang kong salita, eh talaga namang may katotohanan naman yon.
Mangha ang mga kausap namin ng ikwento ko ng maikli ang buhay ng bawa’t isa sa amin. Ikinwento ko na si Mayor Pecson ay naging tricyle driver at nag-umpisa sa ilang kilo ng karne at ngayong mga panahon may malaking meat processing plant, ang Roel’s Food Corporation.
Si Manny Alfonso ay nagtitinda ng pandesal at padyak ang bisikleta sa madaling araw nililibot ang ilang bayan sa Tarlac. Si Troy Recabar ay runner ng mga alahas sa may Henson St. sa Lungsod Angeles. Si Ray Dizon ay nag-umpisa ng maliit na tindahan at ngayon siya ang pinkamalaking supplier ng mga kinatay na baboy sa mga pulkero.
Ayaw ko ng ikwento dito ang buhay ko. Masyadong mahaba ang nilakbay ko sa buhay na maraming kasamang pagtitiis, kaya lang buo ang loob at pananalig sa Maykapal
Ng sumakay kami ng aming tren, sa pagpapatuloy ng aming biyahe, mapapansin ang paglambong ng sobrang kalungkutan ng mga ilang kausap,at sa totoo lang iyong isang babae tiga-Cebu nagmakaawa pa kay Troy isama siyang pabalik sa Pilipinas at alilahin na lang siya o bahala ang aking kaibigan kung ano man gustong gawin sa kaniya. Tawanan kaming lahat habang umuusad na ang tren.
At tuwing nagkakainuman kaming lima sa may Ribeye Steak House, lagi naming nabubuksan ang karanasan yaon.
Editor’s Note: Formerly newspaperman of Daily Inquirer and other major dailies; former TV and radio Broadcaster. Former Director of various corporations like Clark Development Co.; and a former City of Angeles Councillor. Now a regular columnist of Sun Star Pampanga.