Maraming kahulugan ang pag-ibig. Pero ang pinakamalalim at dakilang kahulugan nito ay mababasa sa biblia sa 1 Corinto 13 na nagsasabing ang pag-ibig ay matiisin, matiyaga at nagpapasensiya. Kadalasan, naiinis o nagagalit tayo agad sa ating kabiyak sa halip na alamin muna natin ang kanilang kalagayan.
Nagagalit ang misis kay mister pag late nang umuwi pero hindi niya alam na may tinulungan pala siya sa daan na nasiraan ng kotse. Naiinis si mister kay misis dahil tinitipid siya. Hindi niya alam, pinag-iipunan pala niya ang nalalapit na birthday ni mister na gusto niyang ipaghanda ng engrande.
Ang pag-ibig ay may kagandahang loob. Mabuti ito kahit sa mga taong hindi mabuti sa kaniya. Wala itong inisip kundi ang kabutihan ng taong kaniyang minamahal kahit na hindi pa siya masuklian ng kabutihan o pag-ibig. Pinalalakas nito ang loob ng mga nanlulumo, tinutulungan nito ang mga mahihina at humahanap ito ng pagkakataon na pagpalain ang kaniyang minamahal. Pero hindi nito kinompromiso ang makadiyos na paniniwala at kaugalian.
May kwento ako ukol sa isang misis na nagsuko ng kaniyang buhay sa Panginoon. Ang kaniyang asawa ay mabisyo at ayaw na ayaw niyang masyadong naglalagi sa simbahan ang kaniyang misis. Kinausap ng misis ang kaniyang asawa “Magpapatuloy akong maging ulirang asawa sa iyo. Paglilingkuran kita at ang ating mga anak. Pero pagdating sa relasyon ko sa Panginoon, hindi mo ako mapipigilan. Magpupuri at sasamba ako sa Diyos kung kinakailangan.”
Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang tagumpay at karangalan ng kaniyang iniibig ay tagumpay at karangalan din niya. Karaniwan na ngayon sa mag-asawa ang parehong may trabaho. Pero ang hindi maganda ay kung minsan ay nagkokomparahan ang mag-asawa ng kanilang sahod.
Ang pag-ibig ay hindi pinangangalandakan ang kaniyang sarili. Hindi ito mapagmataas. Hind ito nakasentro sa sarili kundi sa kapakanan ng kaniyang minamahal.
Handa itong magpakasakit para lamang sa ikalalago o ikabubuti ng kaniyang mahal sa buhay. Handa itong isantabi ang ginhawa, tagumpay, malaking suweldo, mataas na posisyon at sariling pangarap para lamang sa kaniyang iniibig.
Alam ni Ruth na tinawag ng Diyos ang kaniyang mister na si Billy Graham para mangaral ng salita ng Diyos sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi naging madali ang pagdedesisyon ni Billy dahil ang ibig sabihin nito’y palagi niyang maiiwan ang kaniyang asawa na mangalaga ng kanilang mga anak. Dito pinatunayan ni Ruth ang kaniyang pag-ibig kay Billy. Pinayagang niyang umalis ang kaniyang mister upang matupad nito ang panawagan ng Diyos sa kaniya. Hindi kataka-takang naging matagumpay na mangangaral ng salita ng Diyos si Billy Graham.
Ang pag-ibig ay hindi magaspang sa pag-uugali. Naalala ko tuloy ang mga madalas na reklamo ng mga misis. Noong nililigawan pa lang daw sila ng kanilang mister o bagong kasal pa lamang sila, binubuksan ng mister ang pinto para sa kanila, inaalalayan siya sa lahat ng kilos niya at palaging nakaakbay sa kanila saan man sila magpunta. Pero pagkalipas ng ilang taon, naglaho na ang mga magagandang gawi nito.
Ang pag-ibig ay palagi ring mahinahon sa pagsasalita. Nagtitimpi itong mabuti sa pagkakamali ng kaniyang iniibig dahil alam niyang siya mismo ay hindi perpekto. Minsan pinangangalandakan pa natin ang kahinaan ng ating mga kabiyak. Kapag pinagsasabihan ni misis ang kaniyang binatang anak, ito ang kaniyang sinasabi “O, baka magmana ka sa tatay mong lasenggo” Ginagawa nating biro sa ating mga kasama ang kanilang mga kahinaan at kapintasan.
Ang pag-ibig ay hindi mainisin o magagalitin. Hindi ito pusong mamon. Hindi ito nag-iisip ng paghihiganti kapag nasaktan. Hindi ito reklamador. Hindi ikinatutuwa ng pag-ibig ang gawang masama ngunit ikinagagalak nito ang katotohanan. Ang pag-ibig ay nagpapakasakit, nagtitiwala, puno ng pag-asa at nagtitiyaga hanggang wakas. Hindi bulag ang pag-ibig sa kapintasan ng kaniyang iniibig pero naniniwala ito sa katotohanan ng salita ng Diyos. May mga kilala akong mga misis na may mga asawang dating lasenggo, sugarol at babaero. Masakit sa kanilang kalooban ang mga ginagawa ng kanilang mga mister. Pero pinili nilang makisama pa rin sa mga ito. Umasa sila sa pagkilos ng Diyos sa puso ng kanilang kabiyak. Nanindigan sila sa mga pangako ng Diyos. Hindi sila nagsawang tumawag sa Diyos araw araw para sa kanilang mga asawa. Hindi nga sila nabigo. Hindi nasayang ang kanilang pagpapakasakit at pagtitiyaga. Binago ng Diyos ang kanilang mga asawa Nagsuko ang mga ito ng kanilang buhay sa Panginoon. Wala na silang karibal na beer, alak, ibang babae o sugal. Naging mas matamis keysa noon ang kanilang mga pagsasamahan.
Ang pag-ibig na naayon sa salita ng Diyos ang pinakamatibay ng pundasyon ng mag-aasawa.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog; 10:30 a.m. English] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.