Pagpapanatili ng magandang samahan

Pagpapanatili ng magandang samahan

Nakakalungkot pero maraming nagsasabi sa akin at napapansin ko rin na madalas ang mga samahan lalo na ang mga organisasyon o asosasyon ng mga Pinoy ay puno ng gulo at away. Dibisyon lamang daw ang madalas kahihitnan nito. Maaring totoo pero hahayaan ba natin ganito na lamang ang sabihin tungkol sa atin? Hindi ba may magagawa pa tayo?

May mga paraan para maibalik ang magandang samahan sa ating kapwa. Mahalagang kausapin muna natin ang Diyos bago tayo makipag-usap sa taong nakaatraso sa atin o sa taong pinoproblema natin. Palagi tayong manguna na makipagkasundo tayo man ang nasaktan o tayo ang nakasakit. Huwag na natin ipagpaliban pa ang pakikipagkasundo sa ating kapwa. Makisimpatiya tayo sa pakiramdam ng ating kapwa sa paggamit ng ating tenga kesa ng ating bibig. Magsimula tayong aminin ang ating sariling kasalanan. Atakihin natin ang problema hindi ang ating kapwa.

Noong gitna na decadang 1940’s hanggang ng mga unang taong ng decadang 1990, naglalabanan ang America at Soviet Union kasama na ng kanilang mga kakamping bayan. Pero nagkaisa ang magkabilang panig na ang ilang mga sandata ay labis na nakakawasak at hindi dapat nilang gamitin ang mga ito. Kahit ngayon, bina-ban ang mga sandatang chemical at biological at napakaraming sandatang nuclear ang sinisira at inaalis. Sa ngalan ng magandang pagsamahan, kailangan din nating tanggalin ang mga karaniwang sandatang ginagamit natin laban sa ating kapwa. Ang tinutukoy kong mga sandata ay ang paninisi, pagkukumpara ng ating kapwa sa ibang kapwa, pagmamaliit ng ating kapwa, panunuya, pag-iinsulto, pagtataray, at panghihiya. Kadalasan hindi natin alam na ang ating mga salita ang sandatang pumapatay sa magandang samahan. Kaya’t may payo ang biblia ukol dito sa aklat ng Efeso 4: 29 “Huwag kayong gumamit ng masamang pananalita. Sikaping lagi na ang sinasabi ninyo’y yoong makakabuti at tamang tama lamang sa pagkakataon para pakinabangan ang inyong mga sinabi ng mga makakarinig nito”

Mahalaga ring makipagtulungan at makisama tayo hangga’t magagawa natin. Minsan, kung nais natin maghari ang kapayapaan, may kabayaran. Maaring nangangahulugan ito na kailangan natin ibaba ang ating pride o tanggalin ang ugaling pagiging makasarili. Sikapin natin na makibagay sa lahat at unahin ang pangangailangan ng iba.

Bigyan diin natin ang pagkakasundo higit sa paghahanap ng solusyon sa ating problema. Imposibleng ang lahat sa isang samahan ay magkasundo sa lahat ng bagay. Ang pagkakasundo ay nakapokus sa ugnayan habang ang solusyon ay nakapokus sa problema. Kapag nakapocus tayo sa pagkakasundo, nawawalan ng halaga ang problema at kadalasan parang wala na ring itong kabuluhan. Maari tayong hindi sumang-ayon sa opinyon, idea o ginagawa nang hindi nagaaway-away o nagkakawatak-watak. Natural lamang na makaiba tayo ng pag-iisip at pananaw. Nag-iiba-iba ang itsura ng isang diamante dahil mula sa iba’t ibang anggulo ito tinitingnan ng mga tao.

Noong March, 1984, nagkaroon ng aberya ang isang electrical line na may power na 500,000 volts. Ang linyang ito ay mula sa Pacific Gas and electric Company na nasa malayo at bukiring bahagi ng California, Nadamay ang ibang lugar. Nawalan ng ilaw ang milyong tao sa anim na states ng America. Rush hour pa noong nag black out at ang mga motorista ay nakaranas ng matinding problema sa traffic dahil sa mga walang silbing traffic light. Ito ay dahil lamang sa isang circuit breaker na nagtrip at dahil magkakabit- kabit ang mga linyang elektrikal, nadamay din ang kuryente ng ibang lugar ng America. Dahil sa sira ng isang linya na nakakabit sa napakaraming linya, biglang nag-iba ang buhay ng napakaraming tao kahit na sila’y isandaang milya ang layo sa pinagmulan ng problema. Sa pagkatawak ng ating samahan, siguradong may maapektuhan tayong ibang tao. Huwag nating payagang mangyari ito.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays-8:45 a.m. Tagalog and 10:45 a.m. English) and host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.