Mga Taong Maysa-Manananggal

Mga Taong Maysa-Manananggal

(May mga Pangil at Matatalas na Dila)

Madalas kong marinig kay Lola ang kasabihang, “Kaiingat ka sa mga taong maysa-manananggal, mga taong matatalas ang dila.” Noong maliit pa ako, ang akala kong ibig sabihin ni Lola ay mga taong totoong manananggal o mga taong nakatatakot ang itsura. Si Tito George ang nagpaliwanag sa akin na ang tinutukoy pala ni Lola ay mga taong walang pasintabi o pakundangan kung mamuna ng kapwa. Sa maikli, mga bastos! Yung mga tipong may ugaling manlait o mang-insulto ng tao kahit na siya ay nasa publiko at kahit na alam niyang may mga nakaririnig sa mga pinagsasabi niya, lalo na kung ang mga sinasabi niya naman ay walang matibay na basihan at walang maitutulong na maganda sa taong pinupuna niya.

Isang halimbawa e noong nakaraang concert ng mga bandang Filipino na pinanood namin ng mga kabarkada ko. Habang nakaupo kami sa may unahan at pinanonood ang isang banda, yung katabi naming nanay ay panay ang panlalait sa bandang kasalukuyang tumutugtog. Kesyo dapat daw matalo ito kasi ang pangit daw ng tugtog, at kung anu-ano pang panlalait. Okey lang sana na saloobin na lang niya ang mga salitang iyon o di kaya ay sa pabulong na paraan niya ito sinasabi sa anak niya na katabi niya, pero walang pakialam yung nanay na anlakas-lakas ng boses; kesehodang marinig namin siya. Hindi na niya naisip na baka yung mga katabi niya ay kaibigan o kamag-anak ng mga miyembro ng bandang nilalait niya. Eh kung kagaya niyang bastos ang makakatapat niya e baka magpang-abot pa sila at magkasakitan o magkamurahan.

Isa pang maysa-manananggal noong gabing iyon ay iyong isa yata sa mga nag-organisa ng konsiyerto, kasi habang palakad-lakad siya ay panay ang pang-iinsulto niya sa ilan sa mga bandang tumutugtog, walang pakialam kahit madinig siya ng mga taong nandoroon sa paligid. May isa naman na pinagsabihan yung ilang miyembro ng banda na kumakain na hindi raw para sa kanila yung pagkaing nakahain kaya h’wag galawin! Eh kumakain na sila e, dapat pa bang pigilan? Tsaka kasama sila sa mga panauhin, kaya imbes na pasalamatan e pinagdamutan pa ng pagkain!

“H’wag mo na lang pansinin ang mga taong may matatalas na dila,” sabi sa akin ni Tito George. “Wala kang laban sa mga ’yan. Sisiraan ka lang nila sa harap ng maraming tao. Okey lang sanang mamuna ng kapwa kung ang iyong intensyon ay mapabuti ito at kung ang puna ay sasabihin sa maayos at mahinahong paraan.

“Kaya wag mo na lang silang gayahin. Baka tubuan ka rin ng pangil! At sa muling makakita ka ng mga taong maysa-manananggal, umiwas ka na lang. Huwag mo na lang patulan. Sige ka, pag nabuwiset sa ’yo ang mga ’yan e baka sagpangin ka pa nila! Alalahanin mong matatalas ang dila at pangil ng mga ’yan.”