On the Positive Side of Being a Netizen, or an Internet Denizen
Maraming nagsasabi na aksaya lang ng panahon ang paggamit ng Facebook o ng kahit anupamang uri ng social media. Para sa akin, ang sentimyentong iyan ay galing lamang sa mga taong di marunong gumamit ng Internet technology o mga taong di alam kung paanong gamitin nang tama ang teknolohiyang ito.
Para sa taong hangad ay kaalaman, impormasyon, at ang maging bukas ang isipan sa mga pangyayari sa buong mundo, ang Internet, Facebook, o iba pang uri ng social media ay malaking tulong.
Ang Facebook o Internet ay para din lang naman tunay na kapaligiran—may mga masasamang tao, may mga manloloko, may mga mapagpanggap, may mga mapanglait, subalit meron din naming mga matatalino’t bukal ang kalooban, mababait, at ginagamit sa tama ang kanilang karunungan. Kaya kung ikaw ay mahilig gumamit ng Internet o Facebook, siguraduhin mo lang na malakas ang iyong loob, magaling kang bumasa ng karakter ng isang tao kahit base lang sa paraan ng kanyang pagsusulat at paggamit ng mga salita, at uri ng mga isyu na kanyang tinatalakay at hilig na mapag-usapan.
Hindi ka dapat mapikon kung sakaling makaengkwentro ka ng mga mapang-asar at mapanglait ng kapwa. Isipin on a lang na hindi ka naman nila kayang saktan. At ang mga taong ganoon ay masasama ang ugali at meron din lang mga kakulangan at kahinaan na ikinukubli nila sa likod ng kanilang pagpapanggap.
Sa Madaling Salita
Hindi masama o hindi aksaya ng panahon ang paggamit ng Facebook o ng iba pang aspeto ng Internet. Ito ay depende sa kung paano mo ito ginagamit. Sa totoo lang e marami kang matututunan dito. Kailangan mo nga lang ng talas ng pag-iisip, tibay ng kalooban, at galing sa pagbasa ng karakter ng iyong mga nakakasalamuha.