Dear Reina Mae,
Noong nakaraang taon, nawala ang pinakaimportanteng bahagi ng buhay ko.
Kung iisipin, eksaktong 12 buwan na ang nakalipas, pero hindi pa din pala ako “okay”.
Hanggang ngayon, nagluluksa pa din ang bawat parte ng kaluluwa ko.
Siya kasi ang matagal ko nang dinadalangin at inaasam-asam, kaya ganun na lang kasakit nang mawala siya.
I guess, it’s because a loss is a loss.
Kahit pa siguro mabuntis akong muli at magkaroon ng isang dosenang anak, iba pa rin.
Kailanman ay hindi siya mapapalitan sa puso ko. Tao siya, hindi laruan o bagay na basta-bastang puwedeng palitan.
But even as a woman, who was blessed to experience the joy and excitement of carrying a precious baby in her womb, I can only imagine the pain you’re going through right now for losing your precious baby, River.
Tulad mo, ako din ay isang aktibista.
Aktibista. Hindi terorista. (Kailangan pa ba’ng i-memorize yan?)
Pero ang hirap maging aktibista. Ang dami mong isasakripisyo, tapos ano?
Huhusgahan ka. Sisindakin ka. Papatayin ka.
Hindi ba’t ganoon ang ginawa nila kay Zara Alvarez?
Tatang Randy Echanis?
Apo Jose Doton?
Dahil sa kagustuhan mong magkaroon ng payapa at makatarungang lipunan, anong ginawa sa’yo?
Inaresto ka. Ginawan ng gawa-gawang kaso. Ikinulong.
Sapilitang inilayo sa iyo ang anak mo. Nag-agaw buhay si River ngunit wala kang magawa.
Hindi pa sila nakuntento. Ipinagkait pa sa iyo ang makataong pagluluksa.
Paano naman ang mga batang tulad ni River?
Wala ba silang karapatang mabigyan ng kalinga?
May karapatang pantao pa ba ang mga tulad nila?
Bakit ganun? Nasaan ang compassion? Nasaan ang hustisya?
Talaga bang para na lamang ito sa mga mayayaman at makapangyarihan?
Bago tayo naging political animals, tayo ay tao. Higit sa lahat, tayo ay magulang, kapatid, anak.
Hindi lang si baby River ang ipinagkait sa’yo, Ina. Ipinagkait din namin sa’yo ang kalayaan mo at hustisya.
Oo, NAMIN. Hindi nila o kayo. Namin. Bilang Pilipino as usual seen mode lang kami.
Sabay-sabay lang kaming nanood at hinayaan naming babuyin ng gobyerno ito ang buhay at karapatan ng mga maliliit na taong tulad ninyo.
Napakadali lang para sa amin ang magsabing, “pakialam ko”.
Pero panigurado, kapag nangyari rin sa amin ito ay papalapag din naman kami.
Ang daming Pinoy di ba? Dito lang sa Winnipeg ay apaw-apaw ang populasyon namin dito.
Alam mo kung ano ang wish ko? Kung lahat sana kami ay nagsasalita, I am sure mag-iiba ang mundo. Iilan lang naman yang mga buwaya, pasista at oligarkiya na totoong nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
Anong laban ng iilan sa madagundong na boses ng milyones?
Kapag nagkataon, pwede nating mabuo ang payapa at makatarungang bukas na ipinagkait sa iyo.
Reina Mae, magpakatatag ka. Hindi man ako nagmamartsa sa kalye, kasama mo naman akong lumalaban para isulong ang payapa at makataong lipunan.
Maraming salamat sa iyo. Hangad ko ang katarungan at paglaya mo.
FREE ALL POLITICAL PRISONERS!
Para sa mga Ina ng Bayan,
Jomay
Jomay Amora-Dueck is a Climate Reality Leader based in Winnipeg. She is the creator of sustainable simplicity blog, ecoisthome.com. If you want to chat about food, zero waste living, social and climate justice, or Climate Reality presentation, simply email her at ecoisthome@gmail.com.