Mababasa sa biblia na sa murang edad pa lamang, nakaranas na ng malaking hamon sa buhay niya si Mephibosheth. Sa pasimula, marangya ang kaniyang buhay at maituturing na isang pribilehio. Anak siya ng isang prinsipe, si Jonathan. Ang kaniyang lolo ay si Saul, ang unang hari ng Israel. Nagbago ang lahat isang araw nang may dumating na lalaki sa kanilang tahanan at nagbalitang patay na ang kaniyang lolo at tatay, ang prinsipe at hari ng Israel. Pinatay ang mga ito ng mga kaaway.
Nataranta ang lahat ng nasa palasyo. Nag-iyakan ang mga kamag-anak ng hari. Takot ang naghari sa lugar na iyon. Dali-dali kinuha si Mephibosheth ng kaniyang tagapag-alaga. Kinarga siya nito pero hindi sinasadyang nahulog siya. Laking gulat niya na hindi na niya maigalaw ang kaniyang mga binti. Naging isang lumpo siya
Dinala siya ng kaniyang tagapag-alaga sa isang lugar na malayo sa palasyo. Doon siya itinago nang maraming taon. Maraming panahon din ang ginugol niya sa pag-iisip ng kaniyang nakaraan. Nagunita niya ang kaniyang narinig tungkol sa kaniyang lolo na noon ay hari ng Israel, kung paanong sumuway ito sa Diyos at ilang beses pinagtangkaang patayin si David na pinili ng Diyos na siyang susunod na hari. Narinig din niya ang malalim na pagiging magkaibigan ng kaniyang ama na si Jonathan at ni David at kung paanong ang pagkakaibigan na ito ay naputol dahil sa galit at inggit ni Haring Saul.
Tila palala pa ang kaniyang situwasyon nang isang araw ay narinig niyang siya ay nais makita ni Haring David. Takot ang naghari sa kaniya. Nagtataka rin siya kung paano nalaman ng hari ang kaniyang kinalalagyan. Nalaman niya pagkatapos na ang kaniyang lingkod na si Ziba ang nagsabi sa hari tungkol sa kaniyang kinalalagyan. Bilang isang lumpo, hindi siya makatakbo para tumakas. Wala siyang magawa kundi harapin si haring David.
Lingid sa kaalaman ni Mephibosheth, naalala ni Haring David ang kaniyang pangako sa kaniyang matalik na kaibigan ni si Jonathan na anak ng haring kaniyang pinalitan. Nangako si David na anuman ang mangyari sa kanilan, aalagaan niya si Jonathan at ang pamilya nito. Ngunit dahil namatay sa digmaan si Jonathan, nais malaman ni David kung may natitira pang pamilya ito na maaari niyang pakitaan ng kabutihan.
Nalaman niya sa dating utusan ng Haring Saul na si Ziba na may isa pang nabubuhay na anak si Jonathan at ito ay walang iba kundi si Mephibosheth. Pinatawag niya ito.
Buong pagpapakumbabang lumapit si Mepibosheth sa hari. Hindi siya nakakatiyak kung anong gustong gawin nito sa kaniya. Kamatayan ba o habag ang naghihintay sa kaniya? Laking gulat niya noong sinabihan siya ng hari na huwag matakot. Sinabi pa ng hari na sa ngalan ng kaniyang amang si Jonathan, ibabalik nito ang lahat ng lupain na pagmamay-ari ng kaniyang lolo. At hindi lang iyan, araw araw, kasalo niya ang hari sa pagkain.
Nagulantang nang husto si Mephibosheth. Hindi lamang naligtas ang buhay niya bagkus biniyayaan pa siya ng lahat ng lupain na dating pagmamay-ari ng kaniyang angkan at itinuring pa siyang pamilya ni Haring David. Ngayon lamang siya nakaranas ng ganoong uri ng habag at biyaya. Sa halip na kapahamakan, nakatangap siya ng pagpapala.
Hindi ba’t kaawa-awa ang nakaraan ni Mephibosheth? Bata pa ay nalumpo na dahil sa isang aksidente. Nawalan rin siya ng ama sa murang edad. Ang buhay na marangya ay nawala sa kaniya sa isang iglap. Nakaasa siya sa kabutihan ng tao sa paligid niya. Nabubuhay siya sa takot na baka isang araw ay kunin ang kaniyang buhay ni Haring David dahil sa siya ay kaangkan ng taong tumugis at nagpahirap sa kaniya.
Pero nabago ang kaniyang buhay dahil sa habag ng isang lalaki, isang lalaki na hindi niya inaasahang magbigay sa kaniya ng kahit na kaunting kabutihan- si Haring David.
Kung susuriin natin mabuti, malaki ang pagkakatulad natin kay Mepibosheth. Tayo ay pinanganak sa kasalanan. Tayo ay tinuring na kaaway ng Diyos dahil dito. Walang magandang kinabukasang naghihintay sa atin. Namumuhay tayo araw-araw na walang kasiguraduhan sa ating buhay. Pero dahil sa habag ng Diyos, Siya na mismo ang gumawa ng paraan upang magkaroon tayo ng pag-asa at magandang kinabukasan tulad ng ginawa ni Haring David kay Mephibosheth.
At kung tatanggapin lamang natin ang kaniyang alok tulad ng buong pagpapakumbabang pagpapasakop ni Mephibosheth kay Haring David, makakaranas tayo ng pagpapala at buhay na kasiya-siya. Mapapabilang tayo sa pamilya ng Diyos. Mababalik ang mga nawala sa atin. Maliligtas ang ating buhay mula sa kapahamakan. Hindi na tayo mabubuhay pa sa takot at walang kasiguraduhan.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays- 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.