May kumakalat na namang sentimyento ukol sa hindi pagtuturo ng bibliya sa mga pampublikong paaralan ng Canada.
Sabi ng ilan e dapat daw e ituro para hindi maging kriminal ang mga mag-aaral. Napakababaw at kitid namang paniniwala niyan.
Una, kaya hindi itinuturo ang bibliya–better known as the Christian Bible–e dahil multicultural ang Canada–iba-iba ang lahi at iba-iba ang paniniwala. At bawat isa rito e dapat igalang at bigyang-halaga. Ang Christian Bible ay libro na ginagamit lang karaniwan ng mga taong ang relihiyon ay Christianity at iba pa nitong mga sangay at sekta. At hindi lahat ng estudyante e nabibilang sa relihiyon na ‘yan. Kaya kung ituturo sa pampublikong eskwela–na ang resources e galing sa tax ng pangkalahatang mamamayan ng Canada–ang isang bibliya na gamit lang ng isang sektor ng lipunan, e magiging hindi ito pantay sa mga estudyante.
Ang makikinabang lang e yung mga nabibilang sa relihiyon na iyan at maiitsapwera ang iba. Hindi magiging maganda ang epekto nito.
Doon sa mga nais na matutunan ng mga anak nila ang ukol sa bibliya, lalo na at ang relihiyon nila ay Kristiyanismo, maaari naman nilang ipasok sa mga pribadong Christian or Catholic schools ang kanilang mga anak.
At kung ang pag-uusapan e ang pagkakaroon ng magandang asal at pag-uugali ng isang bata–e sa tahanan iyan nag-uumpisa dapat, galing sa turo ng mga magulang, na dapat ring magsilbing ehemplo. At, wag ding kalimutan na ang lahat naman ng paaralan e nagtuturo naman ng Good Moral and Right Conduct at isinusulong ding maige ang Anti-Bullying Campaign. Kaya hindi na kailangan ng relihiyon para matutunan ng bata ang kabutihang asal at maayos na pagtrato sa kapwa nila.
Sa Madaling Salita
Ang relihiyon o kawalan nito ay personal na bagay. Kanya-kanya dapat ang bawat tao ryan. At hindi dapat ipilit sa lahat.
Subalit ang kagandahang asal at maayos na pagtrato sa kapwa–yan ang dapat isulong at ituro sa mga bata.