Bakit hanggang ngayon, naghihirap pa ang ating Inang Bayan?

Ano nga ba ang dahilan at mabagal ang pagbaba ng poverty rate at populasyon sa ating bansa?

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may populasyong 108.93 milyon at 25% o 25 milyon nito ay mahihirap.

Ano ba ang mga dahilan at may 25 milyon na ngayon ay hirap sa buhay? Una, ang ating bansa ay dumaranas ng maraming kalamidad . Dahil dito ang mga magbubukid ay lalong naapektuhan sa mga dumadaang bagyo. Karamihan sa mga naghihirap ay mga magbubukid at mangigisda. May tinatayang 23 bilyong dolyar ang nawawala sa bansa kung dumarating ang panahon ng mga bagyo. Ikalawa, kulang ang pag-iinvest sa edukasyon at ang nagiging bunga nito ay mataas na porsiyento na kawalan ng kita. Ikatlo, napakabagal ng takbo ng ekonomiya at ika-apat, walang tiyak na programa sa pagkontrol ng populasyon kada taon.

Batay sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon marami pa ring mahihirap?

Sa aking pananaw ay dahil sa corruption ng mga ahensya ng pamahalaan. Himayin natin kung bakit karamihan ng mahihirap ay mga magsasaka at mangingisda.

Ang bansang Pilipinas ay mayaman sa mga natural resources o likas na yaman at ang dapat mangalaga, mag-develop at magpaunlad ng mga ito ay ang Department of Agriculture. Sa tanang buhay ko, walang akmang programa ang pamahalaan para sa ikabubuti ng pagsasaka o pangingisda. Maraming katiwalian. Naalala ba ninyo noong panahon ni Gloria Macapagal Arroyo, ang milyun-milyong halaga ng pataba ay tila naglaho sa mga kamay ng maraming opisyal. Kakaunti ang nakinabang sa teknolohiya sa pagsasaka. Ang paggamit ng mga makabagong makinarya ay dapat bigyan ng pansin subalit ano ang nangyayari? Kurakot dito at kurakot doon. Ang resulta, halos kapos ang mga magsasaka. Ganoon din ang kalagayan ng mga mangingisda. Sa sobrang lawak ng karagatan at yaman ng dagat, dapat sana ay maganda ang buhay ng mga mangigisda, subalit ang mga namumuno ay walang programa para sa kabutihan ng mga mangingisda.

Bakit naman parang pagong ang pag-usad ng ating ekonomiya? Ang ating mga mambabatas ay gumagawa ng mga batas sa bansa. May mga programang binibigyan ng pansin, subalit kaakibat pa rin nito ang kakulangan ng mga taong dapat mamuno sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa. Marami ngang proyekto pero may mga corruption ding nangyayari. Katulad na lamang ng Pork Barrel ng mga senador at kongresista na dapat ang halagang nakalaan sa mga proyekto ay maibigay lahat. Subalit ang nangyayari, napupunta sa kanilang mga bulsa. Siguro alam lahat ang nangyayari noong panahong mahuli si Napoles na kasapakat ang mga mambabatas sa paggastos ng kanilang perang nakalaan sa kanilang nasasakupan.

Ang bansang Pilipinas ay may 80 porsyentong Romano Katoliko. Batay sa kalakaran ng populasyon,di dapat gumamit ng birth control o dili kaya aborsyon, bilang bawal sa relihiyon. Ang pamahalaan ay walang akmang paraan upang di dumami ang mga tao sa bansa. Ang mga naghihirap na pamilya ay sila pang mararaming anak. At dahil din sa kahirapan, ang mga anak ng mga ito, agad ding nag-aasawa kaya ang pagdami ng tao ay umiinog sa mga mahihirap na pamilya. May mga NGOs na gumagawa ng paraan upang makontrol ang pagdami ng tao subalit ang simbahan ay tumututol sa mga pamamaraan na kontrolin ang pagdami ng populasyon.

Sa panahon ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mayroon bang pag-asa na mabago ang takbo ng ating bansa o malutasan ang mga paghihirap ng mahigit na 25 milyong Pilipino?

Sa pangkasalukuyang datos ng populasyon, may 1.72% ang itinataas ng dami ng mga tao sa kasalukuyan. At ang pagbaba ng porsyento ay patuloy base sa mga programa ng Pangulong Duterte. Hindi katulad ng mga nakaraang panahon na 2.75% ang nadadag sa bilang ng populasyon. Dahil dito, ang poverty rate a bumaba sa 16.7% noong 2018 kumpara sa 23.3% ng poverty rate noong 2015.

Sa ngayon, agresibo ang Ahensiya ng Agrikultura at maraming mga isinasagawa ang pamahalaan sa ikauunlad ng pagsasaka at pangingisda. Una, nababawasan ang corruption. Nakatuon ang pansin sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda. Katulad ng pamamahagi ng mga lupang tiwangwang, binibigyan ng kaalaman sa mga makabagong paraan ng mga pagtatanim. Ikalawa, ang pagbibigay-pansin sa edukasyon. Itinaas ang grado ng pag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12 at binigyan ng pansin ang karapat-dapat ng sweldo ng mga guro. Batid ng mga namamahala ang mabuting ibubunga kung ang mga guro ay may sapat nang sweldo upang maging masigla sa pagtuturo sa mga bata. At may balak na repasuhin ang mga kursong dapat na makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya. Sa kaalaman ng lahat, ang agrikultura ang pondasyon sa ikabubuti ng ekonomiya ng bansa. Dagdag dito, binibigyan ang mga kababaihan ng sapat na lakas upang magkaroon ng boses sa pamilya. Bahagi nito ang tugmang pagpapausad sa family planning.

Sa programa ni Pangulong Duterte ay dapat ikalat ang mga industriya ng bansa at di dapat manatili sa mga urban area, dahil 47.5 porsiyento ng mga tao ay nakatira sa urban areas. Maraming mga industriya ang nagbabalak na magtayo sa mga probinsiya at nang sa ganoon, ang mga magtratrabaho ay hindi magsisikan sa urban area katulad ng Metro Manila. Ang mga tanggapan ng mga ibang ahensiya ng pamahalaan ay inililipat sa mga probinsiya, maging ang mga international airport ay itinatayo sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao, katulad ng bagong airport sa Bulacan at sa Pampanga. Dagdag dito ay ang pagbibigay ng ayuda sa mga libu-libong OFW na bumalik sa bansa upang dito sila maghanap-buhay. At sa pagkakaroon ng mga industriya sa iba’t-ibang probinsiya, ang ibang mga Pilipino ay hindi na mangingibang-bansa upang maghanap-buhay.

Subalit may mga hadlang pa rin sa pagpapatupad ng mga programa sa ekonomiya. Meron pa rin mga kumukontra sa mga balak ng kasalukuyang pamahalaan. Marami ring kritiko si Duterte. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang kanyang programang “Build, Build, Build” upang umusad ang ekonomiya sa pamamagitan ng mga konkretong kalsada, matitibay na mga tulay . Sa huling taon ni Presidente Duterte, nangako siya na mababawasan ang corruption sa pamahalaan. At sa 2022, panahon na naman upang magkaroon ng bagong pangulo. At ang tanong, ipagpapatuloy kaya ng sinumang ihalal na pangulo ang mga proyekto ni Pangulong Duterte? Alam ng lahat na ang mga nabimbing proyekto ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay ipinagpatuloy ni Duterte.At batid din ng karamihan, ang mga nabimbing proyekto ni Marcos ay hindi ipinagpatuloy ng yumaong Presidente Cory Aquino.

Mahirap lutasin ang kahirapan ng may mahigit na 25 porsiyento sa ating bansa. Dahil sa talamak ang corruption sa pamahalaan, ito ang nagiging dahilan ng mga problema sa ating bayan?

Nawa’y ang susunod na presidente ay may magandang pananaw upang maging mayaman ang bansa, upang lalong pababain ang populasyon at ang bahagdan ng kahirapan.