(On Demonizing Money)
Maraming tao na ang bukambibig ay ayaw raw nila ng pera kasi masama raw ang idinudulot nito sa tao at kesyo mabuti pa raw na wala silang pera basta masaya sila.
Ha? Talaga lang, ha? Ayaw nila ng pera? Basta masaya sila? Napakaipokrito namang pag-iisip niyan. Baka kaya lang nila sinasabi yan e kasi hirap silang magkapera, kaya sinasabi nila na okey lang kahit walang pera, basta masaya. E paano ka namang sasaya kung wala kang pera o kapos ka rito? E halos lahat ng kasiyahan ng tao e resulta ng pagkakapuno sa kanilang pangangailangan, at paano pa nga bang matutugunan ang mga pangangailangan kundi sa pamamagitan ng pera.
Kailangan mong kumain…ano ang pambibili mo ng makakain?
Kailangan mo ng tirahan…ano ang gagastusin mo pampagawa ng bahay? Ano ang ipambabayad mo sa renta? Kuryente? Tubig? Cable? Internet? Telepono?
Kailangan mo ng isusuot pang-alis o kahit na sa pang-araw-araw lang? Ano ang ipampapatahi mo ng damit o ipambibili rito?
Kailangan mo ng cellphone, para mai-text o matawagan ang iyong mga kaibigan o mga mahal sa buhay para naman masiyahan ka. Ano ang ipambibili mo ng telepono; ano ang ipambabayad mo sa buwanang renta sa linya?
Gusto mong makapiling lang sa bahay ang iyong mga mahal sa buhay at manood na lang ng palabas sa telebisyon o makinig ng musika sa radio, para makatipid. Wala ka pa ring lusot! Kailangan mo pa rin ng bahay na matitirhan, telebisyong magagamit, audio system, at iba pang mapagkakalibangan.
Gusto mong mamasyal na lang kayo ng iyong kasintahan o pamilya sa park para makalibre nga naman. Bakit, akala mo ba e nakalibre ka pa rin? Kung pupunta kayo sa park na gamit ang inyong sasakyang binili (pera pa rin), e kailangan mo ng pera para pang-gasolina, di ba? O kahit sabihin mong wala kayong sariling sasakyan—e di mag-ko-commute na lang kayo—bus, jeep, taxi, tren, tricycle, pedicab…di ba kailangan mo pa rin ng pera para sa pamasahe?
O, di ba? Lahat ng galaw mo e kailangan mo ng pera.
E kaya nga ang itinuturo sa mga bata e mag-aral mabuti, kailangang pumasok sa eskwela, at makatapos ng pag-aaral—para balang araw e gumanda ang kanilang kinabukasan. Paano? Kapag may natutunan at may napag-aralang maige, e di mas mataas ang tsansang makakuha ng magandang trabaho. Bakit kailangan ng trabaho? E ano pa—para kumita ng pera—perang gagastusin sa halos lahat ng pangangailangan.
Kaya, wag ka nang ipokrito. Wag mong sabihing hindi mo kailangan ng pera para sumaya. Pag wala kang pera e saan ka titira, ano ang iyong kakainin, paano mo bubuhayin ang iyong pamilya, paano ka makakapamasyal—kailangan mo ng pamasahe at baon, paano mo ilalabas ang iyong nililigawan, paano kayo makakapagsimula ng bagong pamilya…kung wala kang pera?
Kaya wag mo na sanang papangitin pa ang imahe ng pera, dahil isa yan sa pinakaimportanteng bagay sa mundo—sa ayaw mo man o sa gusto.
Ang masama lang talaga e kung ang hinahangad o kinikita mong pera e galing sa masama o sa iligal na gawain—tulad ng pagnanakaw, panloloko, panggagantso, o pangungurakot!
Samakatuwid, sa isyung ito, hindi ang pera ang masama, kundi iyong pamamaraang ginamit ng maraming tao para sila ay magkaroon ng pera.
Dagdag pa rito, kung gagamitin mo ang pera sa masamang gawain—gaya ng mga bisyong nakasisira sa iyong kalusugan—alak, sigarilyo, iligal na droga, sugal—e hindi ang pera ang masama—kundi, yang mga gawaing iyan na pinaglalaanan mo ng pera—yan mismo ang masasama, hindi iyong pera.
Dahil kahit gaano pa karami ang pera mo, kung iyan e gagamitin mo sa magagandang bagay, e walang masama r’yan.
Sa Madaling Salita
Ang pera ay hindi masama. Ang masama ay ang mga aktibidades na pinaggagamitan dito ng maraming tao na nakasisira sa kanyang sarili. O di kaya ay ang mga masamang paraan na kanyang ginagawa para magkaroon ng pera.
Kaya yung mga tao na nagsasabi na ayaw nila ng pera kasi masama lang daw ang naidudulot nito sa kanila—e sila mismo ang mga walang tiwala sa kanilang sarili.
Iniisip nila na pag nagkaroon sila ng pera e wala silang alam na mga mabubuting aktibidades na paglalaanan nito. Sa kanilang mga sarili sila takot—na baka kung anong mga kasamaan ang kanilang gawin pag nagkaroon sila ng maraming pera. Dahil ang isang mabuti at responsableng tao—gaano man karami o limpak-limpak ang pera na magkaroon sila, e siguradong sa mabubuting bagay nila ito gagastusin.